ulanmaya
20060301
  Ano ang Paglalagyan ng Tula - Rebecca T. Añonuevo


Ano ang Paglalagyan ng Tula
ni Rebecca T. Añonuevo


Ano ang paglalagyan ng tula ngayong nagbabadya ang taggutom at nakakrus sa noo ng mamamayan ang papalubhang kahirapan? Nagpipinid ang isang siglo ay tila naghuhugas sa usok ang mga sulok at mga sanga sa paligid. Lumalagok ako ng maputlang kape habang may nagrorosaryo sa kabilang kuwarto ay tulala; nagsasalimbayan ang mga balitang libo-libo ang nakatakdang mawalan ng trabaho, patuloy ang pagbagsak ng piso, tataas muli ang presyo ng gasolina (koryente, bigas, kangkong, galunggong), nalulugi ang mga alahero’t sarisaring mga may negosyo, isang kurot na lang ang suweldo ng mga guro at mga kawani ng gobyerno, nagnanaknak ang mga kalye ng mga batang sumasampid sa mga estribo ng dyip o nagkukuskos ng sapatos ng mga pasahero, may amo at mga amang nanggagahasa ng mga musmos, nagpapataasang-ihi ang mga kakandidato sa eleksiyon, may isa na namang alagad ng panulat ang namatay.


Mailap ang talinghaga ngunit marahil ay mabuti na nga. Ang sabi ng isang paham, kaya naghihirap ang isang bansa ay dahil walang malasakit sa panitikan ang mamamayan. Kung magbabasa lang sana ang mga tao at pakakainin ang kaluluwa sa halip na sikmurang kumakalam, hindi nga kaya malulubos ang kasalatan?


Ano ang paglalagyan ng tula sa panahong ito ng malulupit na kamatayan? Isa-isang nalilipol ang mga makata. Hindi pa man ay malaon na silang inilibing ng bayan; walang pagkaligalig ang mga kabataan kung ano ang kanilang ugat at sino ang kanunu-nunuan. Maya’t maya’y humaharap sila sa salamin, nagsusuklay, sinisipat ang pananamit ngunit hindi nila nakikita ang nakalatag na dugo ng mga katutubong nagsiawit ng pananalig sa pag-ibig, pakikipagsapalaran, pakikipaghamok sa kaaway, pagtatanggol sa dangal at kalayaan.


Samantala ang kamataya’y hindi lang yaong ibinabadya ng panaghoy ng mga aso sa kalaliman ng gabi. Ang kamatayan ay nagbibihis maging sa kaloob-looban. Parang nakasuksok sa kawayan at pinaiikot sa apoy ang mga damdaming matagal nang nagmamakaawang maitaboy tulad ng kinahihinatnan ng masasamang espiritu. Sa kanyang kasibulan ay tinamaan siya ng kanser ngunit magiting na isinakatuparan ang mga mithiin. Ang isa niyang kaibigan ay may malubha ring sakit na ang tawag ay lupus, na naging dakila dahil sa pagdapo nito sa isang dating presidente. Nang magkasama minsan ang may kanser at ang may lupus, hinigop nila ang nakahaing sopas na may halong kabute at nagtawanan nang pagkalakas-lakas at iyon ang narinig ng lahat sa halip na mga umaarangkada ng kanta sa labas.


Naaalala ko sila ay nababalot sa kapanatagan ang aking pagkabahala. Nang lumabas kami sa malaking gusali, minsanang ambon ang dumapo sa aking balat. Nauuhaw na muli ang lupa. Gayunma’y hindi ko maaasahang matighaw iyon ng hampas ng alon o ng kalaliman ng balon ng mga sugat na wari’y naghihilom.


Dapat ay maligaya ako ngunit ngayo’y nag-uusisa kung bakit tila pati ang tula, ang rurok ng Salita, ay hindi makasapat para isauli ang isang uri ng kinakapang damdaming ang pangalan ay ___________.

 
Comments: Post a Comment



<< Home

welcome, and thank you for boarding the ulanmaya transit express. tickets, please. mind the gap as you depart. have a pleasant experience.

Archives
05/01/2004 - 06/01/2004 / 06/01/2004 - 07/01/2004 / 07/01/2004 - 08/01/2004 / 08/01/2004 - 09/01/2004 / 09/01/2004 - 10/01/2004 / 10/01/2004 - 11/01/2004 / 11/01/2004 - 12/01/2004 / 12/01/2004 - 01/01/2005 / 01/01/2005 - 02/01/2005 / 02/01/2005 - 03/01/2005 / 03/01/2005 - 04/01/2005 / 04/01/2005 - 05/01/2005 / 05/01/2005 - 06/01/2005 / 06/01/2005 - 07/01/2005 / 07/01/2005 - 08/01/2005 / 08/01/2005 - 09/01/2005 / 09/01/2005 - 10/01/2005 / 10/01/2005 - 11/01/2005 / 11/01/2005 - 12/01/2005 / 12/01/2005 - 01/01/2006 / 01/01/2006 - 02/01/2006 / 02/01/2006 - 03/01/2006 / 03/01/2006 - 04/01/2006 / 04/01/2006 - 05/01/2006 / 05/01/2006 - 06/01/2006 / 06/01/2006 - 07/01/2006 /





gromit is curious

Powered by Blogger