ulanmaya
20040704
  pagtingala - rebecca añonuevo
Halos walang hangganan ang kalawakan sa bahaging ito ng daigdig.
Sa unang yapak ko’y pinayungan agad ako ng liwanag at lamig;
ng mga imortal na bulaklak na ang kulay ay halimuyak at pintig;
mga punong nakataas ang mga kamay, tila sinasalo ang lahat ng
biyayang ihahasik ng bawat pagsulpot ng araw.
Ito ang malaon ko nang panaginip.
Kahit saan ako gumising, kamangha-mangha ang tumatagos sa paningin:
Naririto ang mga maralitang palasyo sa mga kuwento
ng maralitang kamusmusan; ang mga museong lalagyan
ng mga dambuhalang rebultong marmol at mga ukit
mula Ehipto at Gresya, at mga lupaing naging kolonya ng Britanya;
mga dakilang likha ng mga maestro sa pagpipinta; mga unibersidad
na nakaluklok sa iba’t ibang siglo ng bato; mga gusali’t katedral
na naghihila ng tanaw patungo sa kalangitan.
Kamangha-mangha ang pag-aalis ng balabal
ng aking tinutunghayan, dahil tila lalo pang kumakapal ang karangyaan.
Mapapagal ako sa paglalakad ay hindi mauubos ang pagbulaga ng daratnan.
Hindi ako masasanay sa salansan ng nakabuyangyang
na kariktan at mga espasyong masusukuban.
Mabuti’t nalapitan ko ang daigdig na ito.
Labis ang aking pasasalamat sa labis na kapangyarihan ng sandali.
Ito ang sandali ng lalong pagtiyak sa sarili:
Ang pagnamnam sa luwalhati ng pagpanaw.
Ang pag-uwi muli sa lupa’y kinasasabikan --
Hindi ito ang aking tahanan.

London
6 Abril 1998
[ webpage ]
 
Comments: Post a Comment



<< Home

welcome, and thank you for boarding the ulanmaya transit express. tickets, please. mind the gap as you depart. have a pleasant experience.

Archives
05/01/2004 - 06/01/2004 / 06/01/2004 - 07/01/2004 / 07/01/2004 - 08/01/2004 / 08/01/2004 - 09/01/2004 / 09/01/2004 - 10/01/2004 / 10/01/2004 - 11/01/2004 / 11/01/2004 - 12/01/2004 / 12/01/2004 - 01/01/2005 / 01/01/2005 - 02/01/2005 / 02/01/2005 - 03/01/2005 / 03/01/2005 - 04/01/2005 / 04/01/2005 - 05/01/2005 / 05/01/2005 - 06/01/2005 / 06/01/2005 - 07/01/2005 / 07/01/2005 - 08/01/2005 / 08/01/2005 - 09/01/2005 / 09/01/2005 - 10/01/2005 / 10/01/2005 - 11/01/2005 / 11/01/2005 - 12/01/2005 / 12/01/2005 - 01/01/2006 / 01/01/2006 - 02/01/2006 / 02/01/2006 - 03/01/2006 / 03/01/2006 - 04/01/2006 / 04/01/2006 - 05/01/2006 / 05/01/2006 - 06/01/2006 / 06/01/2006 - 07/01/2006 /





gromit is curious

Powered by Blogger