ulanmaya
20050826
  superhero ang tatay ko - raven guerrero

superhero ang tatay ko - raven guerrero
Originally uploaded by ulanmaya_deux.



recited during the father's day open mic, june 19


"Kuwentuhan mo 'ko," sabi n'ya.
"Tungkol saan?" tanong ko.
"Kahit ano, kahit ano," sagot n'ya. "Kuwentuhan mo ako tungkol sa 'yo. Sa nanay mo. Sa tatay mo."
"Kilala mo na ako," sagot ko.
"Tsaka nanay mo," dagdag n'ya.

"Nasabi ko na ba sa 'yong superhero ang tatay ko?"
"Ha?"
"Tatay ko. Superhero."
"Bullshit."

"Hindi, totoo. Kasi nung bata pa s'ya, sa Pitogo, sa Quezon, naglalaro s'ya sa may gubat nung gabi. Tapos, may nakita s'yang bulalakaw, BAM! Tumama sa isang puno ng acacia. 'Pag lapit n'ya may bato sa gitna ng puno, tapos may nakasulat na 'Darna!' Naka-costume s'ya tas nilalabanan n'ya yung mga masasamang loob."

"Bullshit," sinagot n'ya. "Wag mo kong lokohin."

"Sige, sige. Actually yung tatay ko dati magbobote. Nagtutulak s'ya ng kariton sa kalsada tas binibili n'ya yung mga lumang bote tsaka pira-pirasong bakal. Tapos, ibebenta n'ya sa junkshop pagkatapos. Isang araw, napadaan s'ya sa bahay ng isang milyonaryo. Sabi sa kanya nung milyonaryo, 'May ibebenta ako sa 'yo pero dapat ingatan mo.' Pumasok sa bahay yung milyonaryo tas paglabas n'ya may dala s'yang lumang barbell. 'O ito,' sabi nung milyonaryo. Tapos bigla na lang namatay sa harapan n'ya. Kumaripas ngayon ng takbo yung tatay ko, tapos, habang tumatakbo s'ya, sa isang madilim na kalye, may nakita s'yang babaeng hino-holdup. Ang lalaki nung mga holdaper, tapos tatlo sila. Kaso hindi natakot yung tatay ko. Binuhat n'ya yung barbell, kasi ipapalo sana n'ya dun sa mga holdaper. Kaso nung hinawakan n'ya yung barbell, BAM! Bigla s'yang nagka-costume tas kamukha na n'ya si Edu Manzano. BOOM BOOM! Bingubog n'ya yung mga criminal! BOOM BOOM! Nilipad n'ya deretso sa police station. BOOM BOOM! Laglag yung puso nung babaeng niligtas n'ya. At 'yan 'yung istorya kung pano naging Captain Barbell ang tatay ko at kung pano n'ya nakilala ang nanay ko."

"Bullshit, bullshit, bullshit. Bakit mo ba 'ko niloloko? Lagi ka namang ganyan, e." Sinabi n'ya. "Mabuti pa manood na lang akong TV. Kausapin mo 'ko kung wala ka nang hangover," sabi n'ya, patampo.

"Hindi, hindi," sabi ko. "Pasensya ka na wala naman akong espesyal na kuwento tungkol sa tatay ko, e."

"Hindi naman ako humihingi ng espesyal na kuwento, e," sagot n'ya.
"So anong gusto mong sabihin ko?"
"Kahit ano, kahit ano," pakiusap n'ya. "Kahit ano."

"O sige. 'Yung tatay ko galing sa Pitogo, Quezon. Mahirap na mangingisa yung tatay n'ya. Yung nanay n'ya deboto sa simbahan. Naisip nung mga magulang n'ya magandang ideya kung patigilin n'ya sa pag-aaral yung mga lalaki n'yang anak, pagkatapos ng high school, para tumulong sa tatay nilang mangisda. 'Yung mga babae lang ang pupunta ng kolehiyo, dahil dapat matatalino sila para hindi nakakahiya pag nag-asawa na sila. 'Bullshit,' sabi ng tatay ko. Kaya pagkatapos n'ya ng high school tumakbo s'ya ng Maynila. Nagtrabaho s'ya sa pabrika ng tsinelas para paaralin 'yung sarili n'ya sa kolehiyo. Political science 'yung kurso n'ya. 'Dun n'ya nakilala 'yung nanay ko, na galing sa pamilya ng mga maylupa sa La Union. Hinabol-habol n'ya yung nanay ko, minsan nagkunwari pa s'yang 'nawala' daw s'ya kaya napadpad s'ya sa La Union. Hindi s'ya masyadong nagustuhan nung mga Ilocano, pero 'yung nanay ko? BAM BAM! Laglag yung puso n'ya.

"Naging propesor s'ya pagkatapos. Anak ng mangingisdang Quezon, ngayon nagtuturo na ng Political Science sa unibersidad. Dito na rin s'ya naging Marcos loyalist. Na-wa-water canon 'yung nanay ko sa protesta habang 'yung tatay ko sumasama sa motorcade ni Marcos. Nag-aaway sila sa bahay. Pareho silang maprinsipyong mga tao, at nagdesisyon ang tatay ko na pumuntang America pag akyat ni Cory. S'yempre nung panahon na 'yun hindi ko pa naiintindihan kung anong nagyayari. Alam ko lang na pupunta kami sa La Union sa bakasyon tapos makikita namin ng kuya ko yung mga pinsan namin doon. Alam ko lang na pagdating ng Sabado pupunta kami ng tatay ko sa field tapos magpapalipad kami ng saranggola. Isang beses pa nga, sa sobrang lakas ng hangin, natangay ko ang saranggola tapos nadapa ako at nasugatan. Nabitawan ko rin 'yung saranggola. Iyak ako nang iyak, tapos tumakbo sa akin 'yung tatay ko. Sinumbong ko sa kanya kung anong nangyari at ang sama-sama ng loob ko. 'Ayos lang yan,' sabi n'ya. 'Kinuha ng anghel 'yung saranggola mo. Ibabalik din n'ya yun. Tapos dalawang saranggola yung ibibigay n'ya sa 'yo.' Tapos binuhat n'ya ko pauwi sa bahay tapos ginamot nila ng nanay ko yung sugat ko sa tuhod. Sa araw na 'yon nagkasundo 'yung radikal na aktibista at yung Marcos loyalist.

"'Nag-overtime lang,'" yan parati 'yung sagot ng katulong namin tuwing tinatanong ko kung nasan na 'yung tatay ko. Sana sinabi na lang n'ya na pinilit ng tatay kong makarating ng Amerika. Ayaw n'ya kasing maranasan namin 'yung pinagdaanan n'ya. 'TNT ka kung TNT,' sinulat n'ya sa amin nung isang araw. 'Pero hindi magugutom ang pamilya ko.'

"Yung lang," tapos ko. "Wala namang espesyal sa tatay ko, e."

"Bullshit," sinagot n'ya. "Ba't di mo sinabing superhero ang tatay mo?"

 
Comments: Post a Comment



<< Home

welcome, and thank you for boarding the ulanmaya transit express. tickets, please. mind the gap as you depart. have a pleasant experience.

Archives
05/01/2004 - 06/01/2004 / 06/01/2004 - 07/01/2004 / 07/01/2004 - 08/01/2004 / 08/01/2004 - 09/01/2004 / 09/01/2004 - 10/01/2004 / 10/01/2004 - 11/01/2004 / 11/01/2004 - 12/01/2004 / 12/01/2004 - 01/01/2005 / 01/01/2005 - 02/01/2005 / 02/01/2005 - 03/01/2005 / 03/01/2005 - 04/01/2005 / 04/01/2005 - 05/01/2005 / 05/01/2005 - 06/01/2005 / 06/01/2005 - 07/01/2005 / 07/01/2005 - 08/01/2005 / 08/01/2005 - 09/01/2005 / 09/01/2005 - 10/01/2005 / 10/01/2005 - 11/01/2005 / 11/01/2005 - 12/01/2005 / 12/01/2005 - 01/01/2006 / 01/01/2006 - 02/01/2006 / 02/01/2006 - 03/01/2006 / 03/01/2006 - 04/01/2006 / 04/01/2006 - 05/01/2006 / 05/01/2006 - 06/01/2006 / 06/01/2006 - 07/01/2006 /





gromit is curious

Powered by Blogger